MATTHEW



Mat 1:1 Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

Mat 1:2 Naging anak ni Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid;

Mat 1:3 At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram;

Mat 1:4 At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon;

Mat 1:5 At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse.

Mat 1:6 At naging anak ni Jesse ang haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias;

Mat 1:7 At naging anak ni Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa;

Mat 1:8 At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias;

Mat 1:9 At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias;

Mat 1:10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias;

Mat 1:11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng pagkadalang-bihag sa Babilonia.

Mat 1:12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel;

Mat 1:13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor;

Mat 1:14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud;

Mat 1:15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;

Mat 1:16 At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo.

Mat 1:17 Sa makatuwid ang lahat ng mga salit-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na salit-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali't-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali't-saling lahi.

Mat 1:18 Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Mat 1:19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

Mat 1:20 Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

Mat 1:21 At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

Mat 1:22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

Mat 1:23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.

Mat 1:24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa;

Mat 1:25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.


Mat 2:1 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,

Mat 2:2 Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.

Mat 2:3 Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.

Mat 2:4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.

Mat 2:5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta,

Mat 2:6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.

Mat 2:7 Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.

Mat 2:8 At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.

Mat 2:9 At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.

Mat 2:10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.

Mat 2:11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto at kamangyan at mira.

Mat 2:12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

Mat 2:13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.

Mat 2:14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;

Mat 2:15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.

Mat 2:16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.

Mat 2:17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi,

Mat 2:18 Isang tinig ay narinig sa Rama, Pananangis at kalagimlagim na iyak, Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak; At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.

Mat 2:19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,

Mat 2:20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagka't nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.

Mat 2:21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.

Mat 2:22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng Galilea,

Mat 2:23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.


Mat 3:1 At nang mga araw na yaon ay dumating si Juan Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,

Mat 3:2 Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.

Mat 3:3 Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Mat 3:4 Si Juan nga ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.

Mat 3:5 Nang magkagayo'y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;

Mat 3:6 At sila'y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.

Mat 3:7 Datapuwa't nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating?

Mat 3:8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi:

Mat 3:9 At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.

Mat 3:10 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.

Mat 3:11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi: datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy:

Mat 3:12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay.

Mat 3:13 Nang magkagayo'y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya.

Mat 3:14 Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?

Mat 3:15 Nguni't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka't ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo'y pinayagan niya siya.

Mat 3:16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;

Mat 3:17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.


Mat 4:1 Nang magkagayo'y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang siya'y tuksuhin ng diablo.

Mat 4:2 At nang siya'y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya.

Mat 4:3 At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.

Mat 4:4 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.

Mat 4:5 Nang magkagayo'y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo,

Mat 4:6 At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

Mat 4:7 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

Mat 4:8 Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila;

Mat 4:9 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.

Mat 4:10 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.

Mat 4:11 Nang magkagayo'y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.

Mat 4:12 Nang marinig nga niya na si Juan ay dinakip, ay umuwi siya sa Galilea;

Mat 4:13 At pagkaiwan sa Nazaret, ay naparoon siya at tumahan sa Capernaum, na nasa tabi ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali:

Mat 4:14 Upang maganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias na nagsasabi,

Mat 4:15 Ang lupa ni Zabulon at ang lupa ni Neftali, Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan, Galilea ng mga Gentil,

Mat 4:16 Ang bayang nalulugmok sa kadiliman, ay Nakakita ng dakilang ilaw, At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, ay Lumiwanag sa kanila ang ilaw.

Mat 4:17 Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.

Mat 4:18 At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.

Mat 4:19 At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

Mat 4:20 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

Mat 4:21 At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila'y kaniyang tinawag.

Mat 4:22 At pagdaka'y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya.

Mat 4:23 At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Mat 4:24 At lumaganap ang pagkabantog niya sa buong Siria: at kanilang dinadala sa kaniya ang lahat ng mga may karamdaman, at ang mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at ang mga inaalihan ng mga demonio, at ang mga himatayin, at ang mga lumpo: at sila'y pinagagaling niya.

Mat 4:25 At sinundan siya ng lubhang karamihang tao mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa dakong ibayo ng Jordan.


Mat 5:1 At pagkakita sa mga karamihan, ay umahon siya sa bundok: at pagkaupo niya, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad:

Mat 5:2 At binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi,

Mat 5:3 Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.

Mat 5:4 Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin.

Mat 5:5 Mapapalad ang maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa.

Mat 5:6 Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin.

Mat 5:7 Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan.

Mat 5:8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka't makikita nila ang Dios.

Mat 5:9 Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios.

Mat 5:10 Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.

Mat 5:11 Mapapalad kayo pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinaguusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.

Mat 5:12 Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.

Mat 5:13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.

Mat 5:14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.

Mat 5:15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.

Mat 5:16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.

Mat 5:17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.

Mat 5:18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

Mat 5:19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

Mat 5:20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

Mat 5:21 Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan:

Mat 5:22 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.

Mat 5:23 Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo,

Mat 5:24 Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.

Mat 5:25 Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan.

Mat 5:26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.

Mat 5:27 Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya:

Mat 5:28 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.

Mat 5:29 At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno.

Mat 5:30 At kung ang kanan mong kamay ay nakapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mapasa impierno.

Mat 5:31 Sinabi rin naman, Ang sinomang lalake na ihiwalay na ang kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay:

Mat 5:32 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.

Mat 5:33 Bukod sa rito'y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo sa Panginoon ang iyong mga sumpa:

Mat 5:34 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong ipanumpa ang anoman; kahit ang langit, sapagka't siyang luklukan ng Dios;

Mat 5:35 Kahit ang lupa, sapagka't siyang tungtungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagka't siyang bayan ng dakilang Hari.

Mat 5:36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipanumpa, sapagka't hindi ka makagagawa ng isang buhok na maputi o maitim.

Mat 5:37 Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.

Mat 5:38 Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:

Mat 5:39 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo'y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.

Mat 5:40 At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.

Mat 5:41 At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

Mat 5:42 Bigyan mo ang sa iyo'y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo'y nangungutang.

Mat 5:43 Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway:

Mat 5:44 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig;

Mat 5:45 Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.

Mat 5:46 Sapagka't kung kayo'y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

Mat 5:47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?

Mat 5:48 Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.


Mat 6:1 Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.

Mat 6:2 Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila'y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

Mat 6:3 Datapuwa't pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:

Mat 6:4 Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

Mat 6:5 At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka't iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila'y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

Mat 6:6 Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

Mat 6:7 At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

Mat 6:8 Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.

Mat 6:9 Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

Mat 6:10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

Mat 6:11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.

Mat 6:12 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

Mat 6:13 At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

Mat 6:14 Sapagka't kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan.

Mat 6:15 Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.

Mat 6:16 Bukod dito, pagka kayo'y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka't kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila'y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

Mat 6:17 Datapuwa't ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha;

Mat 6:18 Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka.

Mat 6:19 Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

Mat 6:20 Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo'y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo'y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

Mat 6:21 Sapagka't kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.

Mat 6:22 Ang ilawan ng katawan ay ang mata: kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng liwanag.

Mat 6:23 Datapuwa't kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng kadiliman. Kaya't kung ang ilaw na sumasa iyo ay kadiliman, gaano kaya kalaki ang kadiliman!

Mat 6:24 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

Mat 6:25 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit?

Mat 6:26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?

Mat 6:27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

Mat 6:28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man:

Mat 6:29 Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

Mat 6:30 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

Mat 6:31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?

Mat 6:32 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

Mat 6:33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

Mat 6:34 Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.


Mat 7:1 Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.

Mat 7:2 Sapagka't sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

Mat 7:3 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni't hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

Mat 7:4 O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata?

Mat 7:5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.

Mat 7:6 Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain.

Mat 7:7 Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan:

Mat 7:8 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

Mat 7:9 O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;

Mat 7:10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?

Mat 7:11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

Mat 7:12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka't ito ang sa kautusan at ang mga propeta.

Mat 7:13 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok.

Mat 7:14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

Mat 7:15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.

Mat 7:16 Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?

Mat 7:17 Gayon din naman ang bawa't mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa't ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama.

Mat 7:18 Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti.

Mat 7:19 Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

Mat 7:20 Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.

Mat 7:21 Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

Mat 7:22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

Mat 7:23 At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

Mat 7:24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:

Mat 7:25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.

Mat 7:26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:

Mat 7:27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.

Mat 7:28 At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral:

Mat 7:29 Sapagka't sila'y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.


Mat 8:1 At nang siya'y bumaba mula sa bundok, ay sinundan siya ng lubhang maraming tao.

Mat 8:2 At narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.

Mat 8:3 At iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nalinis ang kaniyang ketong.

Mat 8:4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ingatan mong huwag sabihin kanino man; kundi humayo ka, pakita ka sa saserdote, at ihandog mo ang alay na ipinagutos ni Moises, na bilang patotoo sa kanila.

Mat 8:5 At pagpasok niya sa Capernaum, ay lumapit sa kaniya ang isang senturion, na sa kaniya'y namanhik,

Mat 8:6 At nagsasabi, Panginoon, ang aking alila ay nararatay sa bahay, lumpo, at lubhang nahihirapan.

Mat 8:7 At sinabi niya sa kaniya, Paroroon ako, at siya'y aking pagagalingin.

Mat 8:8 At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa't sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila.

Mat 8:9 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.

Mat 8:10 At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.

Mat 8:11 At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit:

Mat 8:12 Datapuwa't ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Mat 8:13 At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon.

Mat 8:14 At nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat.

Mat 8:15 At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya'y nagbangon, at naglingkod sa kaniya.

Mat 8:16 At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit:

Mat 8:17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman.

Mat 8:18 Nang makita nga ni Jesus ang lubhang maraming tao sa palibot niya, ay ipinagutos niyang tumawid sa kabilang ibayo.

Mat 8:19 At lumapit ang isang eskriba, at sa kaniya'y nagsabi, Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

Mat 8:20 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.

Mat 8:21 At ang isa naman sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.

Mat 8:22 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay.

Mat 8:23 At pagkalulan niya sa isang daong, ay sinundan siya ng kaniyang mga alagad.

Mat 8:24 At narito, bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa't inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa't siya'y natutulog.

Mat 8:25 At nagsilapit sila sa kaniya, at siya'y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami'y mangamamatay.

Mat 8:26 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangatatakot, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya? Nang magkagayo'y nagbangon siya, at sinaway ang mga hangin at ang dagat; at humusay na totoo ang panahon.

Mat 8:27 At ang mga tao ay nangagtaka, na sinasabi, Anong tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya?

Mat 8:28 At nang siya'y makarating sa kabilang ibayo sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonio na nagsisilabas sa mga libingan, na totoong mababangis, na ano pa't sinoma'y walang makapagdaan sa daang yaon.

Mat 8:29 At narito, sila'y nagsisigaw, na nangagsasabi, Anong aming ipakikialam sa iyo, ikaw na Anak ng Dios? naparito ka baga upang kami'y iyong pahirapan bago dumating ang kapanahunan?

Mat 8:30 Sa malayo sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain.

Mat 8:31 At namanhik sa kaniya ang mga demonio, na nangagsasabi, Kung kami'y palalayasin mo, ay paparoonin mo kami sa kawan ng mga baboy.

Mat 8:32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo. At sila'y nagsilabas, at nagsipasok sa mga baboy: at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay nangapadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, at nangamatay sa tubig.

Mat 8:33 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at nagsitungo sa bayan, at sinabi ang lahat ng mga nangyari, at ang kinahinatnan ng mga inalihan ng mga demonio.

Mat 8:34 At narito, lumabas ang buong bayan upang sumalubong kay Jesus: at pagkakita nila sa kaniya, ay pinamanhikan siyang umalis sa kanilang mga hangganan.


Mat 9:1 At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan.

Mat 9:2 At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.

Mat 9:3 At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.

Mat 9:4 At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?

Mat 9:5 Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?

Mat 9:6 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.

Mat 9:7 At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.

Mat 9:8 Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

Mat 9:9 At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.

Mat 9:10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.

Mat 9:11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?

Mat 9:12 Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

Mat 9:13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.

Mat 9:14 Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?

Mat 9:15 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.

Mat 9:16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.

Mat 9:17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.

Mat 9:18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.

Mat 9:19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.

Mat 9:20 At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit:

Mat 9:21 Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.

Mat 9:22 Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.

Mat 9:23 At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,

Mat 9:24 Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.

Mat 9:25 Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.

Mat 9:26 At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.

Mat 9:27 At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

Mat 9:28 At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.

Mat 9:29 Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.

Mat 9:30 At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito.

Mat 9:31 Datapuwa't sila'y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.

Mat 9:32 At samantalang sila'y nagsisialis, narito, sa kaniya'y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonio.

Mat 9:33 At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma'y hindi nakita sa Israel ang ganito.

Mat 9:34 Datapuwa't sinabi ng mga Fariseo, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

Mat 9:35 At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

Mat 9:36 Datapuwa't nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag siya sa kanila, sapagka't pawang nangahahapis at nangangalat, na gaya ng mga tupa na walang pastor.

Mat 9:37 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Katotohana'y ang aanihin ay marami, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa.

Mat 9:38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.


Mat 10:1 At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang labingdalawang alagad, at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu, upang mapalabas nila, at upang kanilang mapagaling ang lahat ng sarisaring sakit at ang lahat ng sarisaring karamdaman.

Mat 10:2 Ang mga pangalan nga ng labingdalawang apostol ay ito: Ang una'y si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan;

Mat 10:3 Si Felipe, at si Bartolome; si Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo;

Mat 10:4 Si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na siya ring sa kaniya'y nagkanulo.

Mat 10:5 Ang labingdalawang ito'y sinugo ni Jesus, at sila'y pinagbilinan, na sinasabi, Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Gentil, at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria:

Mat 10:6 Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.

Mat 10:7 At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.

Mat 10:8 Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.

Mat 10:9 Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso sa inyong mga supot:

Mat 10:10 Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika, kahit mga pangyapak, o tungkod: sapagka't ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang pagkain.

Mat 10:11 At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat; at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis.

Mat 10:12 At pagpasok ninyo sa bahay, ay batiin ninyo ito.

Mat 10:13 At kung karapatdapat ang bahay, ay dumoon ang inyong kapayapaan: datapuwa't kung hindi karapatdapat, ay mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.

Mat 10:14 At sinomang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pagalis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.

Mat 10:15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon.

Mat 10:16 Narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati.

Mat 10:17 Datapuwa't mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin at kayo'y hahampasin sa kanilang mga sinagoga;

Mat 10:18 Oo at kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Gentil.

Mat 10:19 Datapuwa't pagka kayo'y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin: sapagka't sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin.

Mat 10:20 Sapagka't hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita.

Mat 10:21 At ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak: at mangaghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at sila'y ipapapatay.

Mat 10:22 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.

Mat 10:23 Datapuwa't pagka kayo'y pinagusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan: sapagka't sa katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao.

Mat 10:24 Hindi mataas ang alagad sa kaniyang guro, ni hindi rin mataas ang alila sa kaniyang panginoon.

Mat 10:25 Sukat na sa alagad ang maging katulad ng kaniyang guro, at sa alila ang maging katulad ng kaniyang panginoon. Kung pinanganlan nilang Beelzebub ang panginoon ng sangbahayan, gaano pa kaya ang mga kasangbahay niya!

Mat 10:26 Huwag nga ninyo silang katakutan: sapagka't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag; at natatago na hindi malalaman.

Mat 10:27 Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.

Mat 10:28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.

Mat 10:29 Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama:

Mat 10:30 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.

Mat 10:31 Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

Mat 10:32 Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

Mat 10:33 Datapuwa't sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

Mat 10:34 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

Mat 10:35 Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae:

Mat 10:36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

Mat 10:37 Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

Mat 10:38 At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.

Mat 10:39 Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.

Mat 10:40 Ang tumatanggap sa inyo ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

Mat 10:41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid.

Mat 10:42 At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.


Mat 11:1 At nangyari, na nang matapos nang masabi ni Jesus ang kaniyang mga utos sa kaniyang labingdalawang alagad, ay umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila.

Mat 11:2 Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

Mat 11:3 At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

Mat 11:4 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita:

Mat 11:5 Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.

Mat 11:6 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.

Mat 11:7 At samantalang ang mga ito'y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin?

Mat 11:8 Datapuwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari.

Mat 11:9 Datapuwa't ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta.

Mat 11:10 Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.

Mat 11:11 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya.

Mat 11:12 At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.

Mat 11:13 Sapagka't ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula.

Mat 11:14 At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya'y si Elias na paririto.

Mat 11:15 Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.

Mat 11:16 Datapuwa't sa ano ko itutulad ang lahing ito? Tulad sa mga batang nangakaupo sa mga pamilihan, na sinisigawan ang kanilang mga kasama.

Mat 11:17 At sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisisayaw; nagsipanambitan kami, at hindi kayo nangahapis.

Mat 11:18 Sapagka't naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya'y mayroong demonio.

Mat 11:19 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, Narito, ang isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay inaaring-ganap ng kaniyang mga gawa.

Mat 11:20 Nang magkagayo'y kaniyang pinasimulang sumbatan ang mga bayan na pinaggagawan niya ng lalong marami sa kaniyang mga gawang makapangyarihan, sapagka't hindi sila nangagsisi.

Mat 11:21 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Bethsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihan na ginawa sa inyo, malaon na dising nangagsisi na may mga damit na magaspang at abo.

Mat 11:22 Nguni't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom, kay sa inyo.

Mat 11:23 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka baga hanggang sa langit? ibababa ka hanggang sa Hades: sapagka't kung sa Sodoma sana ginawa ang mga makapangyarihang gawang sa iyo'y ginawa, ay nanatili sana siya hanggang sa araw na ito.

Mat 11:24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma sa araw ng paghuhukom, kay sa iyo.

Mat 11:25 Nang panahong yaon ay sumagot si Jesus at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol:

Mat 11:26 Oo nga, Ama, sapagka't gayon ang nakalugod sa iyong paningin.

Mat 11:27 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma'y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma'y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.

Mat 11:28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.

Mat 11:29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

Mat 11:30 Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.


Mat 12:1 Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.

Mat 12:2 Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath.

Mat 12:3 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya;

Mat 12:4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang?

Mat 12:5 O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?

Mat 12:6 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo.

Mat 12:7 Datapuwa't kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.

Mat 12:8 Sapagka't ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

Mat 12:9 At siya'y umalis doon at pumasok sa sinagoga nila:

Mat 12:10 At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong.

Mat 12:11 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?

Mat 12:12 Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.

Mat 12:13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa.

Mat 12:14 Datapuwa't nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya'y maipapupuksa nila.

Mat 12:15 At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya'y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat,

Mat 12:16 At ipinagbilin niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ihayag:

Mat 12:17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,

Mat 12:18 Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.

Mat 12:19 Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan.

Mat 12:20 Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom.

Mat 12:21 At aasa sa kaniyang pangalan ang mga Gentil.

Mat 12:22 Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita.

Mat 12:23 At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David?

Mat 12:24 Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.

Mat 12:25 At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.

Mat 12:26 At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?

Mat 12:27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom.

Mat 12:28 Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.

Mat 12:29 O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay.

Mat 12:30 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

Mat 12:31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.

Mat 12:32 At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.

Mat 12:33 O pabutihin ninyo ang punong kahoy, at mabuti ang bunga niyaon; o pasamain ninyo ang punong kahoy, at masama ang bunga niyaon: sapagka't ang punong kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga.

Mat 12:34 Kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo na masasama, ay makapagsasalita ng mabubuting bagay? sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.

Mat 12:35 Ang mabuting tao sa kaniyang mabuting kayamanan ay kumukuha ng mabubuting bagay: at ang masamang tao sa kaniyang masamang kayamanan ay kumukuha ng masasamang bagay.

Mat 12:36 At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.

Mat 12:37 Sapagka't sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.

Mat 12:38 Nang magkagayo'y nagsisagot sa kaniya ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, na nangagsasabi, Guro, ibig namin makakita ng isang tanda sa iyo.

Mat 12:39 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas:

Mat 12:40 Sapagka't kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.

Mat 12:41 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.

Mat 12:42 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't siya'y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.

Mat 12:43 Datapuwa't ang karumaldumal na espiritu, kung siya'y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong.

Mat 12:44 Kung magkagayo'y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan.

Mat 12:45 Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. Gayon din ang mangyayari sa masamang lahing ito.

Mat 12:46 Samantalang siya'y nagsasalita pa sa mga karamihan, narito, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay nangakatayo sa labas, at ibig nilang siya'y makausap.

Mat 12:47 At may nagsabi sa kaniya, Narito, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nangakatayo sa labas, na ibig nilang makausap ka.

Mat 12:48 Nguni't siya'y sumagot at sinabi sa nagsabi sa kaniya, Sino ang aking ina? at sino-sino ang aking mga kapatid?

Mat 12:49 At iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Narito, ang aking ina at ang aking mga kapatid!

Mat 12:50 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at ina.


Mat 13:1 Nang araw na yaon ay lumabas si Jesus sa bahay, at naupo sa tabi ng dagat.

Mat 13:2 At nakisama sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't lumulan siya sa isang daong, at naupo; at ang buong karamihan ay nangakatayo sa baybayin.

Mat 13:3 At pinagsalitaan niya sila ng maraming mga bagay sa mga talinghaga, na sinasabi, Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik.

Mat 13:4 At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila;

Mat 13:5 At ang mga iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa: at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa:

Mat 13:6 At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.

Mat 13:7 At ang mga iba'y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon.

Mat 13:8 At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila'y tigisang daan, at ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.

Mat 13:9 At ang may mga pakinig, ay makinig.

Mat 13:10 At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga?

Mat 13:11 At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila.

Mat 13:12 Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

Mat 13:13 Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.

Mat 13:14 At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:

Mat 13:15 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila'y aking pagalingin.

Mat 13:16 Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig.

Mat 13:17 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.

Mat 13:18 Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik.

Mat 13:19 Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.

Mat 13:20 At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak;

Mat 13:21 Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.

Mat 13:22 At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga.

Mat 13:23 At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.

Mat 13:24 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid:

Mat 13:25 Datapuwa't samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis.

Mat 13:26 Datapuwa't nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo.

Mat 13:27 At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo?

Mat 13:28 At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga'y magsiparoon at ang mga yao'y pagtipunin?

Mat 13:29 Datapuwa't sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo.

Mat 13:30 Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa't tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.

Mat 13:31 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid:

Mat 13:32 Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa't nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa't nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.

Mat 13:33 Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.

Mat 13:34 Lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap:

Mat 13:35 Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga; Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan.

Mat 13:36 Nang magkagayon ay iniwan niya ang mga karamihan, at pumasok sa bahay: at sa kaniya'y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid.

Mat 13:37 At siya'y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao;

Mat 13:38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama;

Mat 13:39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.

Mat 13:40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan.

Mat 13:41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan,

Mat 13:42 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

Mat 13:43 Kung magkagayo'y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig.

Mat 13:44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon.

Mat 13:45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas:

Mat 13:46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.

Mat 13:47 Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda:

Mat 13:48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama.

Mat 13:49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

Mat 13:50 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

Mat 13:51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo.

Mat 13:52 At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.

Mat 13:53 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, ay umalis siya doon.

Mat 13:54 At pagdating sa kaniyang sariling lupain, ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa't sila'y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa?

Mat 13:55 Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? at Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kaniyang mga kapatid?

Mat 13:56 At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi baga silang lahat ay nanga sa atin? Saan nga kumuha ang taong ito ng lahat ng ganitong mga bagay?

Mat 13:57 At siya'y kinatisuran nila. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

Mat 13:58 At siya'y hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.


Mat 14:1 Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus,

Mat 14:2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.

Mat 14:3 Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid.

Mat 14:4 Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya.

Mat 14:5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta.

Mat 14:6 Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes.

Mat 14:7 Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya.

Mat 14:8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

Mat 14:9 At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya;

Mat 14:10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.

Mat 14:11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina.

Mat 14:12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.

Mat 14:13 Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan.

Mat 14:14 At siya'y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila'y mga may sakit.

Mat 14:15 At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon, at sila'y mangakabili ng kanilang makakain.

Mat 14:16 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila'y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain.

Mat 14:17 At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda.

Mat 14:18 At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin.

Mat 14:19 At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila'y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

Mat 14:20 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno.

Mat 14:21 At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata.

Mat 14:22 At pagdaka'y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan.

Mat 14:23 At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon.

Mat 14:24 Datapuwa't ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka't pasalungat sa hangin.

Mat 14:25 At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

Mat 14:26 At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot.

Mat 14:27 Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.

Mat 14:28 At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

Mat 14:29 At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus.

Mat 14:30 Datapuwa't pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya'y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako.

Mat 14:31 At pagdaka'y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya'y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?

Mat 14:32 At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin.

Mat 14:33 At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios.

Mat 14:34 At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret.

Mat 14:35 At nang siya'y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya'y dinala ang lahat ng mga may sakit;

Mat 14:36 At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.


Mat 15:1 Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,

Mat 15:2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.

Mat 15:3 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?

Mat 15:4 Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.

Mat 15:5 Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:

Mat 15:6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.

Mat 15:7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,

Mat 15:8 Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.

Mat 15:9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.

Mat 15:10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.

Mat 15:11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.

Mat 15:12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?

Mat 15:13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.

Mat 15:14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.

Mat 15:15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.

Mat 15:16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?

Mat 15:17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?

Mat 15:18 Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.

Mat 15:19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:

Mat 15:20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.

Mat 15:21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.

Mat 15:22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.

Mat 15:23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.

Mat 15:24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.

Mat 15:25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.

Mat 15:26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

Mat 15:27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.

Mat 15:28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.

Mat 15:29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.

Mat 15:30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:

Mat 15:31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.

Mat 15:32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.

Mat 15:33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?

Mat 15:34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.

Mat 15:35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;

Mat 15:36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

Mat 15:37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.

Mat 15:38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.

Mat 15:39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.


Mat 16:1 At nagsilapit ang mga Fariseo at mga Saduceo, na tinutukso siya na sa kaniya'y nagsisihiling na sila'y pagpakitaan ng isang tanda na mula sa langit.

Mat 16:2 Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Sa kinahapunan, ay sinasabi ninyo, Bubuti ang panahon: sapagka't ang langit ay mapula.

Mat 16:3 At sa umaga, Ngayo'y uunos: sapagka't mapula at makulimlim ang langit. Kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit; datapuwa't hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon.

Mat 16:4 Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda, kundi ng tanda ni Jonas. At sila'y iniwan niya, at yumaon.

Mat 16:5 At nagsidating ang mga alagad sa kabilang ibayo at nangakalimot na mangagdala ng tinapay.

Mat 16:6 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayo'y mangagingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.

Mat 16:7 At sila'y nangagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nagsasabi, Hindi tayo nangakapagbaon ng tinapay.

Mat 16:8 At nang matalastas ni Jesus ay sinabi, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya, bakit kayo'y nangagbubulaybulay sa inyong sarili, sapagka't wala kayong tinapay?

Mat 16:9 Hindi pa baga ninyo natatalastas, at hindi ninyo naaalaala ang limang tinapay sa limang libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

Mat 16:10 Ni yaong pitong tinapay sa apat na libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

Mat 16:11 Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

Mat 16:12 Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

Mat 16:13 Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?

Mat 16:14 At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta.

Mat 16:15 Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako?

Mat 16:16 At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.

Mat 16:17 At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.

Mat 16:18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Mat 16:19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

Mat 16:20 Nang magkagayo'y ipinagbilin niya sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo.

Mat 16:21 Mula ng panahong yao'y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya'y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.

Mat 16:22 At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya'y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.

Mat 16:23 Datapuwa't lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.

Mat 16:24 Nang magkagayo'y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

Mat 16:25 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.

Mat 16:26 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?

Mat 16:27 Sapagka't ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo'y bibigyan ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa.

Mat 16:28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.


Mat 17:1 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok:

Mat 17:2 At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit.

Mat 17:3 At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya.

Mat 17:4 At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.

Mat 17:5 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.

Mat 17:6 At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot.

Mat 17:7 At lumapit si Jesus at sila'y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot.

Mat 17:8 At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang.

Mat 17:9 At habang sila'y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay.

Mat 17:10 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?

Mat 17:11 At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay:

Mat 17:12 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila.

Mat 17:13 Nang magkagayo'y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila'y sinasabi niya.

Mat 17:14 At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya'y lumuhod, at nagsasabi,

Mat 17:15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka't siya'y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka't madalas na siya'y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig.

Mat 17:16 At siya'y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling.

Mat 17:17 At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.

Mat 17:18 At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata'y gumaling mula nang oras ding yaon.

Mat 17:19 Nang magkagayo'y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon?

Mat 17:20 At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari.

Mat 17:21 Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.

Mat 17:22 At samantalang sila'y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao;

Mat 17:23 At siya'y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya'y muling ibabangon. At sila'y lubhang nangamanglaw,

Mat 17:24 At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo?

Mat 17:25 Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba?

Mat 17:26 At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak.

Mat 17:27 Datapuwa't, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.


Mat 18:1 Nang oras na yaon ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nangagsasabi, Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?

Mat 18:2 At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,

Mat 18:3 At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

Mat 18:4 Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

Mat 18:5 At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap:

Mat 18:6 Datapuwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat.

Mat 18:7 Sa aba ng sanglibutan dahil sa mga kadahilanan ng pagkatisod! sapagka't kinakailangang dumating ang mga kadahilanan; datapuwa't sa aba ng taong yaong panggalingan ng kadahilanan!

Mat 18:8 At kung ang kamay mo o ang paa mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay, kay sa may dalawang kamay o dalawang paa na ibulid ka sa apoy na walang hanggan.

Mat 18:9 At kung ang mata mo ang makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kay sa may dalawang mata na ibulid ka sa apoy ng impierno.

Mat 18:10 Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng aking Ama na nasa langit.

Mat 18:11 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala.

Mat 18:12 Ano ang akala ninyo? kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyam na pu't siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw?

Mat 18:13 At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyam na pu't siyam na hindi nangaligaw.

Mat 18:14 Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Mat 18:15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid.

Mat 18:16 Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita.

Mat 18:17 At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.

Mat 18:18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

Mat 18:19 Muling sinasabi ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng aking Ama na nasa langit.

Mat 18:20 Sapagka't kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.

Mat 18:21 Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?

Mat 18:22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.

Mat 18:23 Kaya't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin.

Mat 18:24 At nang siya'y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya'y may utang na sangpung libong talento.

Mat 18:25 Datapuwa't palibhasa'y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya'y ipagbili, at ang kaniyang asawa't mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad.

Mat 18:26 Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat.

Mat 18:27 At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang.

Mat 18:28 Datapuwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya'y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo.

Mat 18:29 Kaya't nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko.

Mat 18:30 At siya'y ayaw: at yumaon at siya'y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang.

Mat 18:31 Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.

Mat 18:32 Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin:

Mat 18:33 Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?

Mat 18:34 At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang.

Mat 18:35 Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kaniyang kapatid.


Mat 19:1 At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa Galilea at napasa mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan;

Mat 19:2 At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon.

Mat 19:3 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan?

Mat 19:4 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae,

Mat 19:5 At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman?

Mat 19:6 Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.

Mat 19:7 Sinabi nila sa kaniya, Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae?

Mat 19:8 Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.

Mat 19:9 At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

Mat 19:10 Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa.

Mat 19:11 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga pinagkalooban.

Mat 19:12 Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap.

Mat 19:13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad.

Mat 19:14 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit.

Mat 19:15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.

Mat 19:16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?

Mat 19:17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.

Mat 19:18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan,

Mat 19:19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

Mat 19:20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?

Mat 19:21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

Mat 19:22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.

Mat 19:23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit.

Mat 19:24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

Mat 19:25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?

Mat 19:26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.

Mat 19:27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin?

Mat 19:28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.

Mat 19:29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.

Mat 19:30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.


Mat 20:1 Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan.

Mat 20:2 At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan.

Mat 20:3 At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa;

Mat 20:4 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan.

Mat 20:5 Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa.

Mat 20:6 At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?

Mat 20:7 At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan.

Mat 20:8 At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una.

Mat 20:9 At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario.

Mat 20:10 At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario.

Mat 20:11 At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan,

Mat 20:12 Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog.

Mat 20:13 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario?

Mat 20:14 Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo.

Mat 20:15 Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti?

Mat 20:16 Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna.

Mat 20:17 Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila,

Mat 20:18 Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin,

Mat 20:19 At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon.

Mat 20:20 Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya.

Mat 20:21 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.

Mat 20:22 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari.

Mat 20:23 Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

Mat 20:24 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid.

Mat 20:25 Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.

Mat 20:26 Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo;

Mat 20:27 At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo:

Mat 20:28 Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.

Mat 20:29 At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao.

Mat 20:30 At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

Mat 20:31 At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

Mat 20:32 At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

Mat 20:33 Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin.

Mat 20:34 At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.


Mat 21:1 At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad,

Mat 21:2 Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin.

Mat 21:3 At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila.

Mat 21:4 Nangyari nga ito, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

Mat 21:5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: Narito, ang Hari mo'y pumaparito sa iyo, Na maamo, at nakasakay sa isang asno, At sa isang batang asno na anak ng babaing asno.

Mat 21:6 At nagsiparoon ang mga alagad, at ginawa ang ayon sa ipinagutos ni Jesus sa kanila,

Mat 21:7 At kanilang dinala ang babaing asno, at ang batang asno, at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga damit; at dito siya'y sumakay.

Mat 21:8 At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit; at ang mga iba'y nagsiputol ng mga sanga ng mga punong kahoy, at inilalatag sa daan.

Mat 21:9 At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan.

Mat 21:10 At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi, Sino kaya ito?

Mat 21:11 At sinabi ng mga karamihan, Ito'y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.

Mat 21:12 At pumasok si Jesus sa templo ng Dios, at itinaboy niya ang lahat na nangagbibili at nangamimili sa templo, at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati;

Mat 21:13 At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan.

Mat 21:14 At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling.

Mat 21:15 Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila,

Mat 21:16 At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?

Mat 21:17 At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon.

Mat 21:18 Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya.

Mat 21:19 At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos.

Mat 21:20 At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos?

Mat 21:21 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari.

Mat 21:22 At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.

Mat 21:23 At pagpasok niya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan, samantalang siya'y nagtuturo, at nangagsabi, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? at sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito?

Mat 21:24 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong, na kung inyong sasabihin sa akin, ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Mat 21:25 Ang bautismo ni Juan, saan baga nagmula? sa langit o sa mga tao? At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Sa langit; sasabihin niya sa atin, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?

Mat 21:26 Datapuwa't kung sasabihin, Sa mga tao; nangatatakot tayo sa karamihan; sapagka't kinikilala ng lahat na propeta si Juan.

Mat 21:27 At sila'y nagsisagot kay Jesus, at sinabi, Hindi namin nalalaman. Kaniyang sinabi naman sa kanila, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Mat 21:28 Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan.

Mat 21:29 At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon.

Mat 21:30 At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon.

Mat 21:31 Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama? Sinabi nila, Ang una. Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Dios.

Mat 21:32 Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; datapuwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya.

Mat 21:33 Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.

Mat 21:34 At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga.

Mat 21:35 At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato.

Mat 21:36 Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan.

Mat 21:37 Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak.

Mat 21:38 Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana.

Mat 21:39 At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya.

Mat 21:40 Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?

Mat 21:41 Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.

Mat 21:42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa sa mga kasulatan, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata?

Mat 21:43 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Dios, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga.

Mat 21:44 At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.

Mat 21:45 At nang marinig ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kaniyang pinagsasalitaan.

Mat 21:46 At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y propeta.


Mat 22:1 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi,

Mat 22:2 Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,

Mat 22:3 At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo.

Mat 22:4 Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.

Mat 22:5 Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal;

Mat 22:6 At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay.

Mat 22:7 Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.

Mat 22:8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan.

Mat 22:9 Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.

Mat 22:10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.

Mat 22:11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan:

Mat 22:12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.

Mat 22:13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

Mat 22:14 Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.

Mat 22:15 Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita.

Mat 22:16 At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao.

Mat 22:17 Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?

Mat 22:18 Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?

Mat 22:19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pangbuwis. At dinala nila sa kaniya ang isang denario.

Mat 22:20 At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat?

Mat 22:21 Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.

Mat 22:22 At pagkarinig nila nito ay nagsipanggilalas sila, at siya'y iniwan, at nagsiyaon.

Mat 22:23 Nang araw na yaon ay nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli: at siya'y kanilang tinanong,

Mat 22:24 Na sinasabi, Guro, sinabi ni Moises, Kung mamatay na walang mga anak ang isang lalake, ay magasawa ang kaniyang kapatid na lalake sa asawa niya, at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalake.

Mat 22:25 Nagkaroon nga sa amin ng pitong magkakapatid na lalake: at nagasawa ang panganay at namatay, at sapagka't hindi siya nagkaanak ay iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalake;

Mat 22:26 Gayon din naman ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo, hanggang sa ikapito.

Mat 22:27 At sa kahulihulihan nilang lahat, ay namatay ang babae.

Mat 22:28 Sa pagkabuhay ngang maguli sino kaya doon sa pito ang magiging asawa? sapagka't siya'y naging asawa nilang lahat.

Mat 22:29 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios.

Mat 22:30 Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel sa langit.

Mat 22:31 Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi,

Mat 22:32 Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay.

Mat 22:33 At nang marinig ito ng karamihan ay nangagtaka sa kaniyang aral.

Mat 22:34 Datapuwa't nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila.

Mat 22:35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin:

Mat 22:36 Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

Mat 22:37 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

Mat 22:38 Ito ang dakila at pangunang utos.

Mat 22:39 At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

Mat 22:40 Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.

Mat 22:41 Habang nangagkakatipon nga ang mga Fariseo, ay tinanong sila ni Jesus ng isang tanong.

Mat 22:42 Na sinasabi, Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya? Sinabi nila sa kaniya, kay David.

Mat 22:43 Sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi,

Mat 22:44 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa?

Mat 22:45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak?

Mat 22:46 At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.


Mat 23:1 Nang magkagayo'y nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad,

Mat 23:2 Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo sa luklukan ni Moises.

Mat 23:3 Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa.

Mat 23:4 Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri.

Mat 23:5 Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit,

Mat 23:6 At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga,

Mat 23:7 At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi.

Mat 23:8 Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.

Mat 23:9 At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.

Mat 23:10 Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo.

Mat 23:11 Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.

Mat 23:12 At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.

Mat 23:13 Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.

Mat 23:14 Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.

Mat 23:15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.

Mat 23:16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.

Mat 23:17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto?

Mat 23:18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.

Mat 23:19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog?

Mat 23:20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito.

Mat 23:21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito.

Mat 23:22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.

Mat 23:23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.

Mat 23:24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!

Mat 23:25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.

Mat 23:26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.

Mat 23:27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.

Mat 23:28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

Mat 23:29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,

Mat 23:30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.

Mat 23:31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.

Mat 23:32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

Mat 23:33 Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?

Mat 23:34 Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan:

Mat 23:35 Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.

Mat 23:36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

Mat 23:37 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!

Mat 23:38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.

Mat 23:39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.


Mat 24:1 At lumabas si Jesus sa templo, at payaon sa kaniyang lakad; at nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang sa kaniya'y ipamalas ang mga gusali ng templo.

Mat 24:2 Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Hindi baga ninyo nangakikita ang lahat ng mga bagay na ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dito'y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.

Mat 24:3 At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?

Mat 24:4 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman.

Mat 24:5 Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.

Mat 24:6 At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.

Mat 24:7 Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako.

Mat 24:8 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.

Mat 24:9 Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.

Mat 24:10 At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa.

Mat 24:11 At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.

Mat 24:12 At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.

Mat 24:13 Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

Mat 24:14 At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.

Mat 24:15 Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),

Mat 24:16 Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:

Mat 24:17 Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay:

Mat 24:18 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.

Mat 24:19 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!

Mat 24:20 At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:

Mat 24:21 Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

Mat 24:22 At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.

Mat 24:23 Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan.

Mat 24:24 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang.

Mat 24:25 Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.

Mat 24:26 Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan.

Mat 24:27 Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

Mat 24:28 Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak.

Mat 24:29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:

Mat 24:30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

Mat 24:31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

Mat 24:32 Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;

Mat 24:33 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.

Mat 24:34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.

Mat 24:35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Mat 24:36 Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.

Mat 24:37 At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

Mat 24:38 Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong,

Mat 24:39 At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

Mat 24:40 Kung magkagayo'y sasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan:

Mat 24:41 Dalawang babaing nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

Mat 24:42 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.

Mat 24:43 Datapuwa't ito'y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya'y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay.

Mat 24:44 Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.

Mat 24:45 Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng pagkain sa kapanahunan?

Mat 24:46 Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa.

Mat 24:47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.

Mat 24:48 Datapuwa't kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon;

Mat 24:49 At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing;

Mat 24:50 Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman,

Mat 24:51 At siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.


Mat 25:1 Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake.

Mat 25:2 At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino.

Mat 25:3 Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis:

Mat 25:4 Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan.

Mat 25:5 Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog.

Mat 25:6 Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.

Mat 25:7 Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.

Mat 25:8 At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan.

Mat 25:9 Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.

Mat 25:10 At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.

Mat 25:11 Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

Mat 25:12 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.

Mat 25:13 Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.

Mat 25:14 Sapagka't tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari.

Mat 25:15 At ang isa'y binigyan niya ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa'y isa; sa bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya'y yumaon sa kaniyang paglalakbay.

Mat 25:16 Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento.

Mat 25:17 Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.

Mat 25:18 Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

Mat 25:19 Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila.

Mat 25:20 At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako'y nakinabang ng lima pang talento.

Mat 25:21 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

Mat 25:22 At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento: narito, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.

Mat 25:23 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

Mat 25:24 At lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan;

Mat 25:25 At ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo: narito, nasa iyo ang iyong sarili.

Mat 25:26 Datapuwa't sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, Ikaw na aliping masama at tamad, nalalaman mong ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagaani doon sa hindi ko sinabugan;

Mat 25:27 Gayon pala'y ibinigay mo sana ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang.

Mat 25:28 Alisin nga ninyo sa kaniya ang talento, at ibigay ninyo sa may sangpung talento.

Mat 25:29 Sapagka't ang bawa't mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

Mat 25:30 At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

Mat 25:31 Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian:

Mat 25:32 At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;

Mat 25:33 At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing.

Mat 25:34 Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

Mat 25:35 Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

Mat 25:36 Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

Mat 25:37 Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

Mat 25:38 At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

Mat 25:39 At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

Mat 25:40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.

Mat 25:41 Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:

Mat 25:42 Sapagka't ako'y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako'y nauhaw, at hindi ninyo ako pinainom;

Mat 25:43 Ako'y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw.

Mat 25:44 Kung magkagayo'y sila nama'y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?

Mat 25:45 Kung magkagayo'y sila'y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa akin.

Mat 25:46 At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.


Mat 26:1 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,

Mat 26:2 Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.

Mat 26:3 Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na Caifas;

Mat 26:4 At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin.

Mat 26:5 Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.

Mat 26:6 Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin,

Mat 26:7 Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.

Mat 26:8 Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito?

Mat 26:9 Sapagka't ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.

Mat 26:10 Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa.

Mat 26:11 Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.

Mat 26:12 Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing.

Mat 26:13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.

Mat 26:14 Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote,

Mat 26:15 At sinabi, Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng tatlongpung putol na pilak.

Mat 26:16 At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya.

Mat 26:17 Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?

Mat 26:18 At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.

Mat 26:19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.

Mat 26:20 Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;

Mat 26:21 At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.

Mat 26:22 At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?

Mat 26:23 At siya'y sumagot at sinabi, Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin.

Mat 26:24 Ang Anak ng tao ay papanaw, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.

Mat 26:25 At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi.

Mat 26:26 At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.

Mat 26:27 At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;

Mat 26:28 Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Mat 26:29 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.

Mat 26:30 At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.

Mat 26:31 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.

Mat 26:32 Datapuwa't pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.

Mat 26:33 Datapuwa't sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan ma'y hindi magdaramdam.

Mat 26:34 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo.

Mat 26:35 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Kahima't ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila. Gayon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Mat 26:36 Nang magkagayo'y dumating si Jesus na kasama sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y pumaparoon doon at manalangin.

Mat 26:37 At kaniyang isinama si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang namanglaw at nanglumong totoo.

Mat 26:38 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.

Mat 26:39 At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.

Mat 26:40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kaniyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras?

Mat 26:41 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.

Mat 26:42 Muli siyang umalis na bilang ikalawa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.

Mat 26:43 At siya'y nagbalik na muli at naratnan silang nangatutulog, sapagka't nangabibigatan ang kanilang mga mata.

Mat 26:44 At muli niya silang iniwan, at umalis, at nanalangin bilang ikatlo, na sinabing muli ang gayon ding mga salita.

Mat 26:45 Nang magkagayo'y lumapit siya sa mga alagad, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

Mat 26:46 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.

Mat 26:47 At samantalang nagsasalita pa siya, narito, dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang lubhang maraming taong may mga tabak at mga panghampas, mula sa mga pangulong saserdote at sa matatanda sa bayan.

Mat 26:48 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya.

Mat 26:49 At pagdaka'y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan.

Mat 26:50 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya'y kanilang dinakip.

Mat 26:51 At narito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay iniunat ang kaniyang kamay at binunot ang kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang tainga.

Mat 26:52 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay.

Mat 26:53 O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?

Mat 26:54 Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?

Mat 26:55 Sa oras na yaon ay sinabi ni Jesus sa mga karamihan, Kayo baga'y nangagsilabas na waring laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay nauupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.

Mat 26:56 Datapuwa't nangyari ang lahat ng ito, upang mangatupad ang mga kasulatan ng mga propeta. Nang magkagayo'y iniwan siya ng lahat ng mga alagad, at nagsitakas.

Mat 26:57 At si Jesus ay dinala ng nagsihuli sa kaniya sa dakilang saserdoteng si Caifas, na doo'y nangagkakapisan ang mga eskriba at matatanda.

Mat 26:58 Datapuwa't si Pedro'y sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban ng dakilang saserdote, at siya'y pumasok, at nakiumpok sa mga punong kawal, upang makita niya ang wakas.

Mat 26:59 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoong kabulaanan laban kay Jesus, upang siya'y kanilang maipapatay;

Mat 26:60 At yao'y hindi nila nangasumpungan, bagaman maraming nagsiharap na mga saksing bulaan. Nguni't pagkatapos ay nagsidating ang dalawa,

Mat 26:61 At nangagsabi, Sinabi ng taong ito, Maigigiba ko ang templo ng Dios, at muling itatayo ko sa tatlong araw.

Mat 26:62 At nagtindig ang dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Wala kang isinasagot na anoman? Ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?

Mat 26:63 Datapuwa't hindi umimik si Jesus. At sinabi ng dakilang saserdote sa kaniya, Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Dios.

Mat 26:64 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsabi: gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.

Mat 26:65 Nang magkagayo'y hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan:

Mat 26:66 Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, Karapatdapat siya sa kamatayan.

Mat 26:67 Nang magkagayo'y niluraan nila ang kaniyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok: at tinatampal siya ng mga iba,

Mat 26:68 Na nangagsasabi, Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog?

Mat 26:69 Nakaupo nga si Pedro sa labas ng looban: at lumapit sa kaniya ang isang alilang babae, na nagsasabi, Ikaw man ay kasama ng taga Galileang si Jesus.

Mat 26:70 Datapuwa't siya'y kumaila sa harap nilang lahat, na sinasabi, Hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.

Mat 26:71 At paglabas niya sa portiko ay nakita siya ng ibang alila, at sinabi sa nangaroon, Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga Nazaret.

Mat 26:72 At muling kumailang may sumpa, Hindi ko nakikilala ang tao.

Mat 26:73 At pagkaraan ng sandali ay nagsilapit ang nangakatayo roon at kanilang sinabi kay Pedro, Sa katotohanang ikaw man ay isa rin sa kanila; sapagka't ipinakikilala ka ng iyong pananalita.

Mat 26:74 Nang magkagayo'y nagpasimula siyang manungayaw at manumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. At pagdaka'y tumilaok ang manok.

Mat 26:75 At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, Bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas at nanangis na mainam.


Mat 27:1 Pagka umaga nga, ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan ay nangagsanggunian laban kay Jesus upang siya'y ipapatay:

Mat 27:2 At siya'y ginapos nila, at siya'y inilabas, at kanilang ibinigay siya kay Pilato na gobernador.

Mat 27:3 Nang magkagayo'y si Judas, na nagkanulo sa kaniya, pagkakitang siya'y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda,

Mat 27:4 Na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapuwa't kanilang sinabi, Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan.

Mat 27:5 At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya'y yumaon at nagbigti.

Mat 27:6 At kinuha ng mga pangulong saserdote ang mga putol na pilak, at sinabi, Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa kabang-yaman, sapagka't halaga ng dugo.

Mat 27:7 At sila'y nangagsanggunian, at ibinili nila ang mga yaon ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga ibang bayan.

Mat 27:8 Dahil dito'y tinawag ang bukid na yaon, ang bukid ng dugo, hanggang ngayon.

Mat 27:9 Nang magkagayo'y natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlongpung putol na pilak, halaga noong hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ng Israel;

Mat 27:10 At kanilang ibinigay ang mga yaon na pinakabayad sa bukid ng magpapalyok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

Mat 27:11 Si Jesus nga ay nakatayo sa harap ng gobernador: at tinanong siya ng gobernador, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsasabi.

Mat 27:12 At nang siya'y isakdal ng mga pangulong saserdote at ng matatanda, ay hindi siya sumagot ng anoman.

Mat 27:13 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pilato, Hindi mo baga naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang sinasaksihang laban sa iyo?

Mat 27:14 At hindi siya sinagot niya, ng kahit isang salita man lamang: ano pa't nanggilalas na mainam ang gobernador.

Mat 27:15 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian ng gobernador na pawalan sa karamihan ang isang bilanggo, na sinoman ang kanilang ibigin.

Mat 27:16 At noo'y sila'y may isang bilanggong bantog, na tinatawag na Barrabas.

Mat 27:17 Nang sila'y mangagkatipon nga, ay sinabi sa kanila ni Pilato, Sino ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? si Barrabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?

Mat 27:18 Sapagka't natatalastas niya na dahil sa kapanaghilian ay ibinigay siya nila sa kaniya.

Mat 27:19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng pagkahukom, ay nagsugo sa kaniya ang kaniyang asawa, na nagsasabi, Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan; sapagka't ngayong araw na ito'y naghirap ako ng maraming bagay sa panaginip dahil sa kaniya.

Mat 27:20 Inudyukan ng mga pangulong saserdote at ng matatanda ang mga karamihan na hingin nila si Barrabas, at puksain si Jesus.

Mat 27:21 Datapuwa't sumagot ang gobernador at sa kanila'y sinabi, Alin sa dalawa ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? At sinabi nila, Si Barrabas.

Mat 27:22 Sinabi sa kanila ni Pilato, Ano ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo? Sinabi nilang lahat, Mapako siya sa krus.

Mat 27:23 At sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nangagsigawan, na nangagsasabi, Mapako siya sa krus.

Mat 27:24 Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumalala ang kaguluhan, siya'y kumuha ng tubig, at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo nitong matuwid na tao; kayo ang bahala niyan.

Mat 27:25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, Mapasa amin ang kaniyang dugo, at sa aming mga anak.

Mat 27:26 Nang magkagayo'y pinawalan niya sa kanila si Barrabas; nguni't si Jesus ay hinampas at ibinigay upang ipako sa krus.

Mat 27:27 Nang magkagayo'y dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio, at nagkatipon sa kaniya ang buong pulutong.

Mat 27:28 At siya'y kanilang hinubdan, at dinamtan siya ng isang balabal na kulay-ube.

Mat 27:29 At sila'y nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo; at sila'y nagsiluhod sa harap niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsisipagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio!

Mat 27:30 At siya'y kanilang niluluraan, at kinuha nila ang tambo at sinaktan siya sa ulo.

Mat 27:31 At nang siya'y kanilang malibak, ay hinubdan nila siya ng balabal, at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.

Mat 27:32 At paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga Cirene, na ang pangala'y Simon: ito'y kanilang pinilit na sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.

Mat 27:33 At nang sila'y magsirating sa isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga'y, Ang dako ng bungo,

Mat 27:34 Ay pinainom nila siya ng alak na may kahalong apdo: at nang kaniyang matikman, ay ayaw niyang inumin.

Mat 27:35 At nang siya'y kanilang maipako sa krus ay kanilang binahagi ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran;

Mat 27:36 At sila'y nangagsiupo at binantayan siya roon.

Mat 27:37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang pamagat sa kaniya, na nasusulat: ITO'Y SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO.

Mat 27:38 Nang magkagayo'y ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

Mat 27:39 At siya'y nililibak ng nangagdaraan, na iginagalaw ang kanilang mga ulo,

Mat 27:40 At nangagsasabi, Ikaw na igigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itatayo, iyong iligtas ang sarili mo: kung ikaw ay Anak ng Dios, ay bumaba ka sa krus.

Mat 27:41 Gayon din naman ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsipagsabi,

Mat 27:42 Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at tayo'y magsisisampalataya sa kaniya.

Mat 27:43 Nananalig siya sa Dios; iligtas niya siya ngayon, kung siya'y iniibig: sapagka't sinabi niya, Ako'y Anak ng Dios.

Mat 27:44 At minumura din naman siya ng mga tulisang kasama niyang nangapapako sa krus.

Mat 27:45 Mula nga nang oras na ikaanim ay nagdilim sa ibabaw ng buong sangkalupaan hanggang sa oras na ikasiyam.

Mat 27:46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?

Mat 27:47 At nang marinig ito ng ilan sa nangakatayo roon, ay sinabi, Tinatawag ng taong ito si Elias.

Mat 27:48 At pagkaraka'y tumakbo ang isa sa kanila, at kumuha ng isang espongha, at binasa ng suka, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya.

Mat 27:49 At sinabi ng mga iba, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y iligtas.

Mat 27:50 At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga.

Mat 27:51 At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato;

Mat 27:52 At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon;

Mat 27:53 At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami.

Mat 27:54 Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios.

Mat 27:55 At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran:

Mat 27:56 Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Mat 27:57 At nang hapon na ay dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na ito'y naging alagad din naman ni Jesus;

Mat 27:58 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. Nang magkagayo'y ipinagutos ni Pilato na ibigay yaon.

Mat 27:59 At kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya ng isang malinis na kayong lino,

Mat 27:60 At inilagay sa kaniyang sariling bagong libingan, na kaniyang hinukay sa bato: at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at umalis.

Mat 27:61 At nangaroon si Maria Magdalena, at ang isang Maria, at nangakaupo sa tapat ng libingan.

Mat 27:62 Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng Paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo,

Mat 27:63 Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.

Mat 27:64 Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian.

Mat 27:65 Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya.

Mat 27:66 Kaya't sila'y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.


Mat 28:1 Nang magtatapos ang araw ng sabbath, nang nagbubukang liwayway na ang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan.

Mat 28:2 At narito, lumindol ng malakas; sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at naparoon at iginulong ang bato, at nakaupo sa ibabaw nito.

Mat 28:3 Ang kaniyang anyo ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niebe:

Mat 28:4 At sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay.

Mat 28:5 At sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, Huwag kayong mangatakot; sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus.

Mat 28:6 Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.

Mat 28:7 At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya'y nagbangon sa mga patay; at narito, siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon makikita ninyo siya: narito, nasabi ko na sa inyo.

Mat 28:8 At sila'y nagsialis na madali sa libingan na taglay ang takot at ang malaking galak, at nagsitakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad.

Mat 28:9 At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba.

Mat 28:10 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.

Mat 28:11 Samantala ngang sila'y nagsisiparoon, narito, ang ilan sa mga bantay ay nagsiparoon sa bayan, at ibinalita sa mga pangulong saserdote ang lahat ng mga bagay na nangyari.

Mat 28:12 At nang sila'y mangakipagkatipon na sa matatanda, at makapagsanggunian na, ay nangagbigay sila ng maraming salapi sa mga kawal,

Mat 28:13 Na nangagsasabi, Sabihin ninyo, Nagsiparito nang gabi ang kaniyang mga alagad, at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog.

Mat 28:14 At kung ito'y dumating sa tainga ng gobernador, ay siya'y aming hihikayatin, at kayo'y aming ilalagay sa panatag.

Mat 28:15 Kaya't kinuha nila ang salapi, at kanilang ginawa alinsunod sa pagkaturo sa kanila: at ang pananalitang ito ay kumalat sa gitna ng mga Judio, at nananatili hanggang sa mga araw na ito.

Mat 28:16 Datapuwa't nagsiparoon ang labingisang alagad sa Galilea, sa bundok na sa kanila'y itinuro ni Jesus.

Mat 28:17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan.

Mat 28:18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

Mat 28:19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

Mat 28:20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.



MARK >>